9 Lente sa likod ng Lente - Camba.indd H U M A N I T I E S D I L I M A N 145 MGA LENTE SA LIKOD NG LENTE: Isang Panimulang Pag-aaral ng Ilang Piling Litratong Kuha ni Xander Angeles  MOREAL NAGARIT CAMBA Si Moreal Camba ay nakapaglathala ng ilang mga sanaysay sa Daluyan: Jornal ng Wikang Filipino, CAS Review, at sa University of Michigan Journal for Filipino and Philippine Studies ukol sa kababaihan, wika, at panitikan. Nagtapos siya ng kursong BA Araling Pilipino (cum laude) at MA Philippine Studies kapwa sa Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Kasalukuyan naman niyang tinatapos ang kursong PhD in Philippine Studies sa Asian Center, UP Diliman. Sampung taon na siyang guro ng Wika at Panitikang Filipino sa isang unibersidad sa Ortigas. Ang pangalang Xander Angeles ay kilala bilang isa sa mga in-demand na pangalan sa mundo ng fashion at advertisement sa Pilipinas. Kakabit ng pangalang ito ang samut-saring lokal at internasyunal na parangal; idagdag pa rito ang isang advertising company, isang modelling agency, at isang fashion and photography school. “Mga Lente sa Likod ng Lente” ang pamagatng rebyung ito dahil bukod sa lente ng kamera, may iba pang mga lente na tumitingin at nagdidikta sa imaheng lalabas sa final art o ang litrato bago mailimbag sa pahayagan at magasin; nariyan ang lente/mata ng litratista, photo editor, art director at marami pang iba. Sa kabilang banda, habang inilalahad ang samut-saring lente bago-habang-pagkatapos makunan ang litrato, hindi maisasantabi ang mismong lenteng ginagamit ng mananaliksik, ako, na may mata ng isang malay ng feminista sa pagdidiskurso. May kani-kanyang ‘personal na lente’ ang mga litratista. Ang ‘pagkiling’ na ito ay nakaaapekto, malay man siya o hindi, (1) sa pagpili ng mga lilitratuhan at (2) sa pag-frame sa mga subject (Vergara 7-14). Sa pamamagitan nito, nagiging makapangyarihan ang litratista sa pag-edit at pag-crop, maging sa pagdirehe sa lilitratuhan (kung paano ngumiti, tumayo/umupo, sa palagay Rebyu ng Piling Litrato Camba 146 niyang maganda/importante). Pinakukumplikado pa ng makabagong mga teknolohiya (computer, internet, photoshop atbp) ang kapangyarihan ng mga litratista; katuwang ang mga photo-editor at art director, sa isang kalabit ng kamera at mouse ay maaaring magbago ang imahen ng subject na nilitratuhan. Tila mga iskultor sila ng makabagong panahon na maaaring magdagdag at magbawas ng mga bahagi ng katawan at maging ng mga background ng imahen. Makatutulong ang samut-saring online sites ng photographer upang maging balon ng mga litrato: (1) Angel Locsin - Timex, (2) Anne Curtis – Folded&Hung, (3) Angel Locsin – Folded&Hung/FHM, (4) Kim Chiu at Gerald Anderson – Bench, (5) Lisa Maza, Angel Locsin, at Sandra Araullo – GABRIELA. Ito ang napiling mga larawan dahil ito ang ilan sa mga screen saver sa computer ni Angeles. Ito rin ang mga larawan na napag-usapan ng mananaliksik at ng kanyang mga kinapanayam. Nakapanayam ng mananaliksik si Xander Angeles upang matukoy ang kanyang aestetik, ang mga teknolohiya na kanyang ginagamit, gayon din ang papel nito (teknolohiya) sa kanyang litrato. Kinapanayam din ang isang Fine Arts graduate ng University of Santo Tomas at isa ring in-house graphic designer (photo-editor) ng Summit Media, si John Laurence Patulan, upang humingi ng ekspertong opinyon ukol sa mga larawang pag-aaralan at ilang mga konsepto ukol sa digital photography sa mundo ng print media. ANG PAGLALATAG NG SAMUT-SARING LENTE Bago pa man ilabas ang litrato o final art, sa pahayagan man o sa magasin, dumadaan ito sa samut-saring mata/lente. Unang-una na rito ay ang lente ng photographer, ang lente ng kamera, at ang mahigpit na ugnayan ng dalawa. Nariyan din ang lente ng mga taga-post-production at ng kliyenteng kumukuha ng serbisyo para sa litrato. Ang Lente ni Xander Angeles Nick Knight, Rankin, Dah-Len, Mondino, La Chapelle--pangalan ng internasyunal na mga litratista na ikinukumpara kay Xander Angeles. Ayon kay Luis Espiritu, kilala si Angeles sa mga litratong nagpapakita ng “edginess, sensuality, and the irreverent play and display of light and color.” (1-2) Ang kanyang edginess at sensuality ay hindi na maihiwalay sa kontrobersyal niyang litrato: si Diana Zubiri na nakasuot ng pulang bikini sa flyover ng Shaw Boulevard noong 2002. Samantala, ang irreverent play and display of H U M A N I T I E S D I L I M A N 147 light and color na binabanggit ay tila nagsusuma sa mismong pangalan ng kumpanyang itinatag ni Angeles, ang Edge of Light Studios (EoLS). Ayon kay Angeles, bago at habang nagpo-photoshoot, naiisip na niya ang samut-saring imahen na posibleng hingiin ng kliyente. Dahil tumatakbo bilang negosyo ang kanyang serbisyo at studio, “I give what the clients want,” wika niya. Bilang creative director ng photoshoot, punong-abala siya sa set. Bago ang shoot, sinisigurado niyang maayos na ang lahat — ang posisyon ng ilaw at ang aninong malilikha nito, ang make-up, buhok at kasuotan ng mga modelo ay kanyang binubusisi. Dagdag pa niya, dahil nasanay siya sa paggamit ng SLR (Single Lens Reflex) na kamera o yaong de-negatibo, nadala niya ang pagiging mabusisi maging sa mga photoshoot na gumagamit ng DSLR (Digital Single Lens Reflex). Sabi pa niya, dahil sa kamahalan ng negatibo at pagproseso noon, kinakailangang maging metikuloso sa lahat ng aspekto bago i-click ang kamera. Isa pa, mas gusto niyang makipag- interaksyon nang matagal sa modelo sa set kaysa sa harap ng computer dahil sa pag-aayos ng buhok, damit, at ilaw. “If you did your homework right, you don’t need to alter or edit your photos,” sabi pa niya (Angeles panayam). Inilarawan niya ang kanyang sarili sa mga photoshoot bilang “spontaneous, anything goes. If I like it, I shoot it. It’s very raw” (Lei 1-3). Hindi niya pinapa- pose ang kanyang mga modelo; sinusunod niya ang mood niya sa araw na iyon. Sa kabilang banda, kung wala siyang ‘nakukuha’ mula sa modelo, humihingi na siya ng movements. Kaya naman, mas mabuti kung kilala o nakatrabaho na niya ang mga tao sa set — mula sa modelo, make-up artist, stylist, atbp. — upang magiging madali ang trabaho dahil kabisado at kilala na niya ang gawa at kakayahan nila (Angeles panayam). Madalas, ang pagkuha kay Angeles ay pagkuha na rin sa serbisyo ng EoLS. Kung sabagay, bukod sa photography, ilan pa sa mga serbisyong ibinigay ng EoLS ay ang pagbo-book ng celebrity, pagka-cast ng modelo, pagbibigay ng mga make-up artist at stylist ng buhok at damit. (www.edgeoflightstudios. com) Sa halos sampung taon niya sa industriya, nakagawa na siya ng portfolio ng mga nakatrabaho. Bilang creative director naman at may-ari ng franchise ng Elite Model Management–Manila (EMM-M), mas lumalawak pa ang kanyang network at lumalalim ang balon na mapagkukunan ng talento. Ang EMM–M ay hindi lamang isang modeling agency, nagbibigay rin ito ng mga workshop ukol sa photography. (www.elitemanila.com/blog/) Katuwang nito ang Elite Fashion Academy Manila (EFAM) na naghahanap din ng mga guro para sa kurso sa fashion at fashion shoots. (www.facebook.com/#!/ photo.php?fbid=319034755151&set=a.319034745151.185894.39715980151) Rebyu ng Piling Litrato Camba 148 Kamakailan lamang, ang EoLS ay naghahanap ng mga modelo para sa isang calendar-photoshoot. Ayon sa patalastas, kailangang magpadala ang mga interesado ng snapshot ng sarili, kasama ang detalye ukol sa taas, sukat ng dibdib, bewang, balakang at paa. Dagdag pa rito ang kwalipikasyon na “girls that have a style about them, are comfortable wearing LINGERIE, secure and confident in front of a camera, energetic, effortless movement. Models MUST be 18-20 years old, at least 5’7” tall.” (www.facebook.com/ pages/Xander-Angeles-Photographer/39715980151?filter=2) Kapansin- pansin ang patriyarkal na lente na ginagamit sa pagpili ng magiging modelo ng kumpanya. Modelo para sa kumpanya ang mga babaeng hindi bababa sa 5’7” na taas, na ang modelo ay (pansinin ang all-caps na ginamit: MUST) 18-20 taong gulang lamang. Kung kaya naman, ayon sa patalastas, “Women who don’t meet these requirements will not receive a reply.” (Ibid) Kapansin-pansin rin ang ‘pagpapaganda’ ng intensyong paghubarin at pagsuotin ng lingerie ang mga babae: girls that have a style about them, secure and confident in front of a camera, energetic, effortless movement (aking diin). Sa kabilang banda, hindi rin nalalayo rito ang mga kahingian ng EMM–M sa ipinatawag nitong casting call. (www.elitemanila.com/blog/) Kung tutuusin, ang mga kahingian ng dalawang ahensyang pinapatakbo ni Angeles ay repleksyon lamang ng mga kahingian rin industriyang kanyang ginagalawan at maging ng kanyang kliyenteng pinagtratrabahuan. Ang maka-lalaking mata ay tila nananaig din sa mga photography workshop na kanyang isinagawa. Bukod sa creative lighting workshop at photo directing, bahagi rin ng sesyon ang swimwear shoot at boudoir photography na kapwa hinihingi na magsuot ng ’kapirasong tela’ ang mga modelo bago malitratuhan ng mga nag-enroll. Mahalagang banggitin na ang mga modelo sa nasabing shoot ay ibinigay ng EMM–M. (Kung sila’y aplikante o aktwal na modelo ng EMM–M ay nangangailangan pa ng dagdag na pananaliksik.) Sa ganitong kalakaran, mas bulnerable ang mga aplikante. “I love women, beautiful women,” sabi ni Angeles nang tanungin siya kung bakit babae ang mahigit siyamnapung porsiyento ng kanyang mga larawan. Sabi niya, “You can’t go wrong with beautiful women.” Sa kabilang banda, kapansin-pansin na may salitang pang-uri na ‘maganda’ ang salitang babae. Nangangahulugan na hindi lamang basta biyolohikal na babae, bagkus ay magandang babae. Ayon pa sa kanya, may ‘limitasyon’ na magagawa ang make-up at stylist sa pagpapaganda ng subject na katulad halimbawa ni Pokwang. (Angeles panayam) H U M A N I T I E S D I L I M A N 149 Ang Lente ng Lente ni Xander Angeles Nagsimula si Xander Angeles sa mundo ng photography gamit ang kanyang Pentax P30N (Espiritu 1). Sa katunayan, nang ilabas ang coffeetable book niyang ‘X Book’ (Marso 2004), SLR kamera ang kanyang ginamit. Maging ang pamoso niyang litrato kay Diana Zubiri ay ginamitan ng SLR kamera (Angeles panayam). Unti-unting nakalikha ng pangalan si Angeles sa mundo ng digital photography nang magkaroon sila ng back-to-back photo exhibit ni Jun de Leon noong Hunyo 2004 na sinundan pa ng isang solo-exhibit noong Hunyo 2005. Napasama rin siya sa magasing Digital Photographer – Ukraine noong 2005 (www.modelmayhem.com). Sa kasalukuyan, isa si Angeles sa nangungunang digital photographer ng Pilipinas at endorser ng professional DLSR kamera ng Nikon. Sa pamamagitan ng DSLR, maaari nang makita agad ang imaheng kukunan sa LCD display ng kamera kumpara sa SLR na kailangang magdebelop muna ng negatibo. Bukod pa rito, dahil pampropesyunal ang gamit niyang kamera, Nikon D2SXs dati at D700 sa kasalukuyan, walang time-lag o delay sa imaheng kinukunan. (http://download.cnet.com/Nikon-Camera- Control-Pro/3000-18489_4-141499.html) Isang magandang halimbawa, ayon kay John Laurence Patulan, ang larawan ni Angel Locsin sa patalastas ng Timex (2008) kung saan ang modelo ay nakasandal sa isang gilid ng animo swimming pool. Ayon sa kanya, dahil sa shutter speed na 30 hanggang 1/8000 segundo, nahuhuli ng kamera ang galaw ng tubig (sa kanang bahagi ng litrato). Dahil din sa 5 frames–12 megapixel at 8 frames–6.8 megapixels na kakayahan ng kamera, mas nagiging maganda ang resolusyon ng larawan; palakihin at ilagay man ito sa billboard, hindi kalat ang kulay at detalye ng litrato. Dagdag pa niya, ang mataas na megapixel ay nakatutulong sa mga photo editor dahil mas madaling habulin at ayusin ang ilaw, kulay, at imahen ng litrato kung saka-sakali. Sa pamamagitan rin ng mga lente na ikinakabit sa kamera, maaaring ayusin at baguhin ang pokus ng litrato. Maaaring palabuin ang background ng subject, katulad ng sa litrato, upang mas mabigyang pansin ang modelo. Ayon kay Angeles, nang ipinaliwanag niya ang proseso ng pagkuha ng litrato ni Anne Curtis sa Folded&Hung (patalastas ng pabango – 2010), “raw” ang mga larawan; ibig sabihin, ganoong-ganoon ang pagkakakuha mula sa aktwal na eksena. Ganunpaman, dumaan ito sa color grading o pagtitimpla ng kulay sa digital na paraan; kung kaya ang natural na kulay na dilaw ay Rebyu ng Piling Litrato Camba 150 naging ube. Ang pagpili niya sa kulay na ube ay batay sa panlasa at palagay niyang babagay para sa mood ng eksena, produkto at modelo. Ayon kay Patulan, bagaman isang proseso ng adobe photoshop ng computer ang color grading, hindi ito ekslusibong magagawa sa computer lamang. Sa katunayan, ang kamera na Nikon, yaong high-end professional camera, ay may kakayahan nang mag-color grade bago pa ilipat sa computer. Dahil digital ang kamera, madaling i-save at i-load ang mga larawan sa napakaliit na lalagyan, ang compact flash disk o memory card. Dahil hindi negative ang ginagamit, ang kalidad ng larawan na makukuha, ilang taon man ang lumipas, ay pareho pa rin; hindi katulad ng negatibo na maaaring amagin, mag-moist o magasgas. Hindi rin mararanasan ang problema ukol sa over-exposure ng negative na dulot ng maling paglalagay o pagtanggal ng rolyo sa kamera (Patulan panayam). Sa kabilang banda, may posibilidad na ma-corrupt ang mga file, katulad ng nasaksihan ng mananaliksik habang kinakapanayam si Angeles; ang ilang larawan ni Curtis sa file ay nabura. Ang Lente ng Post-Production Bago pa man lumabas ang isang larawan sa magasin o pahayagan, dadaan pa ito sa mata/lente ng mga tao sa post-production: ang art director at kanyang mga photo editor. Sila ang mga mapanuring mga mata na ‘mag-aayos’ sa huling pagkakataon ng mga larawan. Bagaman sinasabi ni Angeles na “raw” ang kanyang mga litrato, ilan sa mga serbisyong ibinibigay ng kompanya niyang EoLS ay retouching, graphic design, at final art (www.edgeoflightstudio.com). Kaya naman, hindi malayo na may mga larawan si Angeles na dumaan sa mga prosesong ito bago ipasa sa mga photo editor ng mga publiksyon. Ayon kay Patulan, ilan sa mga minor editing ay ang pagbura sa mga baby hair, patay, o naliligaw na buhok ng modelo, tigyawat, at iba pang ‘makakasagabal’ o ‘makakapangit’ sa litrato. Sa kabilang banda, may pagkakataon din na hindi tinatanggal ang eye bags. Halimbawa, sa inedit niyang cover ng Women’s Health (Marso 2010), kinailangan niyang panatilihin ang eye bags ni Senadora Pia Cayetano. Inabisuhan na lamang siya ng art director na paputiin ang ilalim na bahagi ng mata upang hindi masyadong mabigyang ng atensyon ang eye bags. Ang desisyong panatilihin ang eye bags ay upang hindi diumano lumayo sa tunay na edad at hitsura ng senador ang larawan; nakakabawas ng edad ang pagtanggal ng eye bags at kung gayon, magmumukhang niretoke ang larawan. (Ibid.) Isa pa, H U M A N I T I E S D I L I M A N 151 hindi naman beauty product ang iniendorso ng modelo kaya maaari nang palampasin; magkagayunman, kinailangan pa rin itong paputiin dahil hindi ito ‘kaaya-aya’ batay sa pamantayan ng publikasyon. May pagkakataon din na ang ilang mga nunal ng modelo ay hindi binubura; lalo na kung ito ang kanyang trade mark. Halimbawa, si Curtis ay kilala sa kanyang mga nunal sa ilalim ng kaliwang mata at gitna ng dibdib. Ayon kay Patulan, magmumukhang niretoke ang larawan kung ang mga markang ito ay mawawala sa nasabing modelo. Ang ibang mga nunal, lalo na yaong di pansinin, ay maaaari nang burahin. Sa mga larawan ng F&H, napanatili nito ang ‘natural’ na hitsura ni Curtis dahil sa mga nunal. Ilan naman sa mga major na editing ay ang pagbubura ng mga di kailangang anino, pag-aayos ng mga gusot ng damit, pag-aayos ng make-up, pagbabawas o pagdadagdag ng timbang/kaha ng modelo, atbp. Ayon kay Patulan, marami sa mga ini-edit niyang larawan ay dulot ng kapabayaan sa set, bago at habang nagpo-photoshoot. Halimbawa, sa cover ng Women’s Health (Oktubre 2010) na may larawan ni Solenn Heusseff, kinailangan niyang ayusin ang mis-matched na sports bra at executive skirt na suot ng modelo; kinailangan niyang gawing pang-corporate ang pantaas ng modelo. Dagdag pa rito, dahil sa hindi maayos na pag-iilaw, kinailangan niyang burahin ang anino ng kamay ni Heussef sa ibabaw ng palda na nagmistulang basa ng ihi. Naging kagawian na rin na pakinisin ang kilikili ng mga model. Isa itong mahirap na gawain lalo na’t layon ng bawat photo editor na ‘magmukhang natural’ ang nasabing bahagi ng katawan; makikita ang husay kung napanatili itong natural sa pamamagitan ng mga linya at anino sa kilikili (Patulan panayam). Binigyang pansin din ni Patulan ang pagbabago ng tiyan ni Angel Locsin sa patalastas ng Folded&Hung (Summer Swimsuit Collection – 2010) na nasa FHM May 2010. Mapapansing maliit ang umbok sa tiyan ni Locsin habang nakaliyad ay biglang nawala sa mga litratong bahagyang nakayuko ang modelo. Ayon kay Patulan, marahil, dahil hindi naman ‘masagwang’ tingnan ang tiyan ng modelo sa larawang nakaliyad, kaya ipinalampas ito, kumpara sa resulta ng larawang nakayuko. Ang depinisyon ng masagwa, ayon kay Patulan, ay nakabatay sa iniisip nilang target audience ng magasin (kasama ang photo editor at art director); dahil FHM, ito ay mga lalaki. Upang lumiit ang tiyan ng isang modelo sa litrato, kinakailangang i-liquify ang bahagi ng katawan at hihilahin palikod. Sa proseso, kailangan ding ayusin ang mababagong anggulo ng anino; kinakailangang maging maalam Rebyu ng Piling Litrato Camba 152 ang photo editor sa relasyon ng ilaw at anino. Dagdag pa, kailangan ding maging metikuloso upang hindi mabura ang pusod sa pag-liquify; kung nagkataon, magmumukha itong niretoke (Patulan panayam). Sa kabilang banda, hindi maikakaila ang senswalidad ng mga larawang kuha nina Locsin at Curtis. Si Locsin, sa kanyang Timex na commercial, ay babaeng bukas ang mga braso at tumititig na tila nagsasabing “handa akong makipagsabayan.” Ang babaeng basa at babad sa tubig ay arketipo na ng babaeng sekswal; mula sa wet look nina Gloria Diaz sa “Pinakamagandang Hayop sa Balat ng Lupa,” mga babae ng “Temptation Island,” Thalia sa “Marimar,” hanggang sa imahen ni Venus sa pinta ni Botticelli. Ang pagiging “bukas” na susugan pa ng makahulugang pagngiti at pagtitig na makikita rin sa kanyang F&H na commercial. Umaalingawngaw din ang senswalidad ni Curtis sa mga imahen niyang hinahangin na buhok (kasunod ng paglingon) at ang hinahanging buhok (kasunod ang pagpikit ng mata at paghawak sa batok); kung tutuusin, ang paghawak niya sa batok ay paggagagad sa madaming babaeng tauhan sa mga S&M na kuwento: nakatali/nakahawak ang mga kamay sa batok, tanda ng pagiging bukas, pagsunod at kawalan ng kapangyarihan. Maganda ring banggitin na parehong bukas din ang labi ng modelo, isang imahen na kakambal na ng arketipo ng babaeng senswal. Isa rin sa mga ginagawang pag-edit ng litrato ay ang paglalagay ng background sa patalastas nina Kim Chiu at Gerald Anderson para sa pabangong “Adored” ng Bench (2010). Ayon kay Angeles, kinailangan niyang lagyan ng sinag ang likod ng ulo ng modelo dahil hinihingi ng kliyenteng Suyen Corporation na magmukhang mala-santo, “to signify innocence, being angelic, being adorable” (Angeles Panayam) --na siya ring tatak ng pabango na iniendorso ng mga modelo: “Adored.” Pinuri ni Patulan ang ‘maingat na pag-aayos ng mga modelo’ na ginagawa ng photo director, si Angeles. Ayon sa kanya, sa kapayatan ni Kim Chiu, parati siyang nili-liquify, hindi upang lalong pumayat bagkus ay upang magkaroon ng laman sa mga litrato. Hindi diumano ‘maganda’ ang labis niyang kapayatan. Kung kaya naman, sa pamamagitan ng paglalagay kay Chiu sa likod ni Gerald Anderson at pagsusuot ng long- sleeve na damit, hindi na napapansin ang kapayatan; nangangahulugan na hindi na siya kailangang ‘ayusin.’ Sa kabilang banda, ang paglalagay sa payat na payat na si Chiu sa likod ng matipunong si Anderson, idagdag pa ang paghawak niya sa balikat ni Anderson, ay tila nagpapahiwatig ng pagiging mahina nito; na kinakailangan H U M A N I T I E S D I L I M A N 153 niya ng isang tagapagligtas o protektor. Sa pagkakataong ito, si Anderson na sentro at buo sa litrato, ang bayani ni Chiu. Sinususugan pa ng mga sinag sa likod ng ulo ni Anderson ang pagiging tagapagligtas nito. Mahalagang banggitin na walang sinag sa ulo si Chiu. Sa kabuuan, layon ng mga photo editor at art direktor na ‘ayusin’ ang mga larawan bago ito ilimbag. Layon nilang i-edit ang mga sa palagay nila ay hindi ‘maganda’ at ‘nakagugulo’ sa larawan; kung ano ang maganda at nakagugulo ay batay sa modelo (ang kanyang edad, katayuan at iba pa), konteksto ng litrato, produktong iniendorso, hinihingi ng kliyente, inaasahan ng mambabasa at personal na panlasa. Ang pinakamahalaga, ayon na rin kay Patulan, magmukhang ‘natural’ ang hitsura ng modelo at hindi mukhang manekin (maliban na lamang kung hinihingi). ANG AMALGAMASYON NG MGA LENTE Sinasabing sa loob ng isang lipunang di-pantay, ang pagtingin ay isang kapangyarihan; at sa loob ng isang patriyarkal na lipunan, naging kaugalian nang gamitin ang mata ng Ama sa pagtingin/pagbasa sa isang teksto/ larawan. Sa pamamagitan ng ganitong androsentrikong pagtingin, ini-estima at kinikilatis ng patriyarkal na sistema ang mga babae batay sa pamantayang likha rin ng patriyarkal na pagpapahalaga. Sa pamamagitan nito, nabubuo ang imahen ng ‘ideyal’ at ‘di-ideyal’ na babae batay na rin sa pantasya, imahinasyon, at pangangailangan ng patriyarkal na sistema. (Robbins 51) Sa pagsusuri ng ilang piling litrato ni Xander Angeles, kapansin-pansin ang samut-saring mata ng mga biyolohikal na lalaki (mula sa photographer, photo editor, art director) na may patriyarkal na lente. Dagdag pa rito ang pagsasaalang-alang ng mga nabanggit sa mga mata ng kanilang target audience (na madalas ay lalaki rin) at ng mga kliyente na bumabatay rin sa inaakalang panlasa ng kanyang mga konsyumer. Sa pamamagitan ng mga matang ito, naghahanap sila ng mga ‘mali’ sa mga modelo/litrato at sa proseso ay lumilikha ng imahen/ilusyon ng ideyal na babae. Nakatatawa ngang isipin na sa proseso ng kanilang ‘pag-aayos’ sa mga imperpeksyong ito, ninanais pa rin nilang maging ‘natural’ ang hitsura ng kanilang mga inedit na litrato. Dahil sa pinatatanggap na ‘natural’ ang patriyarkal na pagtingin, ginagamit ito maging ng mga babae para sa pamantayan ng kanilang kagandahan at pagiging kaakit-akit. Sinasabi ni Neferti Xina Tadiar na sa pamamagitan Rebyu ng Piling Litrato Camba 154 mismo ng mga Filipino, nagaganap ang patriyarkal na pagtingin, kung saan ginagamit ang mata ng isang babae upang matahin o maliitin ang mga kapwa babae (De Guzman, 9-13). Nangangahulugan na hindi awtomatikong maka-babae ang isang larawan na tinitingnan/binabasa ng isang biyolohikal na babae; kung kaya, sa pamamagitan ng mata ng isang malay na Filipinang feminista, nagsisilbi ito bilang kontra-gahum na lente sa nananaig na lente ng patriyarkiya na bumabasag sa nakagawiang uri ng pagtingin sa mga babaeng modelo. Isa pa sa mga di-makalilimutang kuhang litrato ni Angeles ay ang larawan ng tatlong GABRIELA: sina dating Congresista Lisa Maza, Angel Loscin, at Sandra Araullo; bahagi ang mga larawan ng kampanyang “Passion of a Nationalist Feminist” (Marso 2010). Sa pagkakataong ito, nagsasanib ang dalawang haligi: isang photographer na kilala sa kanyang mga sexy- women-models at isang organisasyon na nagtataguyod ng nasyonalistang feminismo; tila lumalabas at umiigpaw na sa de-kahong imahen ang photographer dahil sa kolaborasyong ito. Ang katangiang GABRIELA, bilang isang organisasyong nasyonalista- feminista at bayaning nakipaglaban sa mga Espanyol, ay sinususugan pa ng mga postura at posisyon ng kamay ng mga modelo. Halimbawa na lamang ay ang halos tuwid na mga tayo at mga nakapamewang na modelo--imahen ng mga babaeng seryoso, palaban, mayabang, at nakapag-iisa. Gayon pa man, tila may ‘mali’ pa rin mga imahen. Ayon kay Patulan, drop-out o tracing ang prosesong ginawa sa mga larawan. Ito yaong pagkuha sa mga modelo sa likod ng isang puting pader, itre-trace ang imahen at ‘ididikit’ sa ibabaw ng bagong background. Matrabaho ang gawaing ito dahil sa kailangang maging maingat ang photo editor sa pag- trace sa mga tuwid at kurbadang linya ng modelo/subject bago ilipat sa ibang background. Sa tatlong larawan, kapansin-pansin na hindi pulido ang gawa. Nariyan ang makanto na laylayan ng damit (ni Araullo sa kaliwang bahagi), ang mga nawawalang paa ng mga modelo at iba pa. Ayon kay Patulan, mukhang minadali ang final art ng larawan (Patulan panayam). Kung kaya naman bagaman ‘passion of a nationalist fashionista’ (aking diin) ang tawag sa serye ng mga larawang ito, malayong-malayo ito sa mga fashionistang litrato ni Angeles na kinumisyon ng mga malalaking kumpanya at ng hindi mabilang na mga magasin. H U M A N I T I E S D I L I M A N 155 BINANGGIT NA SANGGUNIAN Almario, Virgilio, et al. UP Diksyunaryong Filipino. Pasig: Anvil, 2001. Print. Angeles, Xander. Personal na panayam. 23 Setyembre 2010. Datuin, Flaudette May. Home Body Memory. Quezon City: UP Press, 2002. Print. De Guzman-Odine (ed.). Body Politics: Essays on Cultural Representations of Women’s Bodies. Quezon City: UP CWS. 2002. Eagleton, Terry. Marxism and Literary Criticism. California: University of California Press, 1976. Print. Estrada-Claudio, Sylvia. Rape, Love and Sexuality: The Construction of Women in Discourse. Quezon City: UP Press, 2002. Print. Garcellano, Edel. Knife’s Edge. Quezon City: UP Press, 1991. Print. Kintanar, Thelma (ed.). Women Reading. Quezon City: UP Press, 1992. Print. Lodge, David. Modern Criticism and Theory: A Reader. New York: Longman, 1988. Print. Mendez-Ventura, Sylvia. Feminist Readings of Philippine Fiction: Critique and Anthology. Quezon City: UP Press, 1994. Print. Patoja-Hidalgo, Cristina. Gentle Subversion. Quezon City: UP Press, 1998. Print. Patulan, John Laurence. Personal na panayam. 10 Oktubre 2010. Robbins, Ruth. Literary Feminism. London: MacMillan, 2000. Print. Santiago, Lilia Quindoza. Sa Ngalan ng Ina: 100 Taon ng Tulang Feminista sa Pilipinas. Quezon City: UP Press, 1997. Print. Santiago, Lilia Quindoza. Sexuality and the Filipina. Quezon City: UP Press, 2007. Print. Scholes, Robert. Textual Power. London: Yale University Press, 1984. Print. Servando D. Halili Jr. Iconography of the New Empire: Race and Gender Images and the American Colonization of the Philippines. Quezon City: UP Press, 2006. Print. Tolentino, Rolando. Richard Gomez at ang Mito ng Pagkalalake, Sharon Cuneta at ang Perpetwal na Birhen, at iba pang Sanaysay sa Bida ng Pelikula bilang Kultural na Texto. Pasig: Anvil, 2000. Print. Vergara, Benito Jr. Displaying Filipinos: Photography and Colonialism in Early 20th Century Philppines. Quezon City: UP Press, 1995. Print. Watkins, Susan. Twentieth-Century Women Novelists. New York: Palgrave, 2001. Print. Rebyu ng Piling Litrato Camba 156 Web Sources Espiritu, Luis. “Rated X.” Philstar.com. 31 Mayo 2004. 16 Setyembre 2010. . Lei, Joanna. “Stepping into the Light with Xander Angeles.” Telebisyon.net. 8 Pebrero 2010. Web. 16 Setyembre 2010 . “Manila’s Most Beautiful Troop to Xander Angeles’ Seven Jeans calendar Launch.” Spot.ph. 21 Enero 2010. Web. 16 Setyembre 2010. . “Nikon Camera Control Pro 2.7.1 for Mac.” Web. 27 Setyembre 2010 Salamat, Marya. “Lisa Maza’s Passion Statement.” Bulatlat.com. 15 Marso 2010. Web. 3 Oktubre 2010 . Teehankee, Pepper. “MMX: A Fusion of Art and Fashion.” Telebisyon.net 9 Pebrero 2010. Web. 16 Setyembre 2010 . “The Passion of Nationalist Fashionista.” Philstar.com. 17 Marso 2010. Web. 3 Oktubre 2010. . “The ‘X’ Factor for Xander Angeles.” ManilaBulletin 26 Nobyembre 2003. 16 Setyembre 2010 http://www.edgeoflightstudios.com http://www.elitemanila.com/blog/ http://www.facebook.com/pages/Xander-Angeles-Photographer http://www.facebook.com/#!/album.php?aid=240949&id=151742649321 h t t p : // w w w. f a c e b o o k . c o m / # ! / p h o t o . p h p ? f b i d = 4 74 4 7 9 4 6 0 1 5 1 & s e t =a.474479370151. 272834.39715980151 http://www.fhm.com.ph/fhm-babes/imagegallery/1365/angel-locsin http://www.myspace.com/xanderangeles http://www.modelmayhem.com http://www.philstar.com/Article.aspx?articleId=558692&publicationSubCategoryId=83 http://pinoyshowbiss.blogspot.com/2010/05/angel-locsins-fhm-may-2010- issue.htmlhttp://weloveangel.multiply.com/photos/album/7/Angel_ Locsin_for_Timex#photo=7 http://www.xanderangeles.com